Miyerkules, Nobyembre 20, 2019

Sobre

Sa mga Maranao, ito'y sikat
Marangya man o salat
Bitbit anumang okasyon
Kasalan, lamay o graduation
Sabay sa'yong ikakamay
Yaring munting alay

Pagsapit ng Marso,
Aba'y sakit ng ulo
Si pinsan, kapitbahay, maging si bunso
Hinihintay ay regalo
Yaring sobre ay iabot
Ngiti'y langit ang naaabot

Sa kasalan, di madadaglat
Kung tawagin ay adat
Aba'y wag malilingat
Kay tito, tita, diko at ditse
Wag laktawan nire
Nang walang masabing ganire

Sa lamay hatid ay pakikiramay
Buong angkan handang dumamay
Laman ng sobre, di man sapat
Pakikiramay sa inyo'y tapat
Munting tulong sa pamilyang ulila
Dalamhati'y maibsan nawa

Isang libo o limang daan
Singkwenta o bente man
Di pinulot kung saan
Minsan pa nga'y inutang kung saan-saan
Tanggapin sana ng marubdob
Alay na kusang-loob

Gamitin sa anumang okasyon
Huwag lamang sa eleksyon,
Gawing bahagi ng tradisyon
Di ba't tayo'y maharlika
Maratabat ay sandata
Di susuko kanino mang banyaga

Bakit sa suhol, ika'y naging marupok?
Sa mga ninuno, ito'y kahihiyan
Aral ng Islam, huwag talikdan
Kahirapa'y munti lamang pagsubok
Ganid, iwaksi sa isipan
Prinsipyo, dignidad, kasarinlan
Kahit ilang sobre, di kayang tumbasan

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento